4 na Aeta sa Tarlac, nakatanggap ng ₱100K centenarian cash gift
Tumanggap ng tig-₱100,000 cash gift ang apat na katutubong Aeta na umabot sa edad na 100 sa Capas, Tarlac.
Ipinagkaloob ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang benepisyo sa Capas Events Center nitong Miyerkules, February 11, alinsunod sa Expanded Centenarians Act.
Kasabay ng turnover, ipinaabot din sa mga benepisyaryo ang pagbati ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., bilang pagkilala sa kanilang pag-abot sa isandaang taon.
Ayon sa komisyon, agad naiproseso ang aplikasyon ng mga centenarian matapos matanggap ang endorsement mula sa LGU. Layunin ng ahensya na mapabilis ang paglabas ng benepisyo para sa mga senior citizen, kabilang ang mga katutubo.
Mas pinaigting din ng NCSC ang kanilang sistema dahil may opsyon na rin ngayon ang mga benepisyaryo na tumanggap ng grant sa pamamagitan ng cash o bank transfer upang maging mas maginhawa ang proseso.
Nagpasalamat naman ang Capas LGU sa naging maayos na koordinasyon sa pagitan ng NCSC at lokal na tanggapan na nagbigay-daan sa agaran pag-abot ng tulong sa mga kwalipikadong residente.
Samantala, nilinaw naman ng NCSC ang kumalat na post sa social media na hindi umano nabigyan ng cash gift ang apat na katutubo dahil sa isyu ng edad.
Ayon sa ahensya, kamakailan lamang naisumite ang kanilang aplikasyon kaya saka pa lamang ito naaprubahan at naiproseso.
Iginiit ng komisyon na nananatiling prayoridad nito na matiyak na naaabot ng mga programa ng pamahalaan ang mga senior citizen mula sa iba’t ibang sektor, upang mabigyan sila ng nararapat na pagkilala at benepisyo. #
