360 na armas, nakumpiska ng PRO 3 mula Jan. 12 hanggang May 4
By Acel Fernando, CLTV36 News
Patuloy ang isinasagawang hakbang ng Police Regional Office 3 (PRO3) upang masiguro ang mapayapa, tapat, at ligtas na Halalan 2025 sa buong Central Luzon.
Ayon kay PBGen. Jean Fajardo, Regional Director ng PRO3, umabot na sa 360 na baril at pampasabog ang kanilang nakumpiska mula January 12 hanggang May 4, habang 356 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec).

Kabilang sa mga naaresto ang ilang sundalo, security guard, isang pulis, at maging isang halal na opisyal ng pamahalaan. Giit ni Fajardo, pantay-pantay ang batas para sa lahat, anuman ang estado sa lipunan.
Dagdag pa niya, handa silang arestuhin ang sinumang lalabag sa batas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko ngayong halalan.

Maliban sa mga naaresto, may 1,300 katao ang kusang loob na nagdeposito ng kanilang armas, habang 273 naman ang nagsauli ng mga hindi lisensyadong baril.
Samantala, kasado pa rin ang mga checkpoint at iba pang operasyon ng pulisya hanggang matapos ang election period. #
