35% ng mga Pinoy, gumanda ang buhay: SWS survey
Tiniyak ng Malacañang na magpapatuloy ang mga programa at inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang mapataas ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino, kasunod ng positibong resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa non-commissioned survey na isinagawa noong June 25 hanggang 29, 35% ng mga Pilipino ang nagsabing gumanda ang kanilang buhay kumpara noong nakaraang taon. Bahagyang mas mataas ito kaysa 34% na naitala noong Abril.
Samantala, nanatiling pareho ang kalagayan ng buhay ng 42% ng mga tinanong, habang 23% naman ang nagsabing mas lumala ang kanilang sitwasyon. Dahil dito, nakapagtala ang survey ng Net Gainers score na +12, na nasa kategoryang “very high.”
Pinakamataas ang Net Gainers score sa Visayas na may “excellent” +22, kasunod ang Mindanao (+16), Metro Manila (+10), at Balance Luzon (+6).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ikinatutuwa ng administrasyon ang resulta ng survey at tiniyak niyang hindi titigil ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang para higit pang mapaangat ang kabuhayan ng mga Pilipino.
Mahigit 1,200 katao mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang lumahok sa survey, na may ±3% margin of error para sa national percentages. #
