3 Pinoy hikers, matagumpay na naakyat ang Mt. Everest
Dalawang bagong pangalan ang naitala sa kasaysayan ng Philippine mountaineering—sina Elaine John “Jeno” Panganiban at Miguel Angelo Mapalad.
Matagumpay nilang naakyat ang tuktok o summit ng Mt. Everest na itinuturing na pinakamataas na bundok sa buong mundo nitong Linggo ng umaga, May 18 (Philippine time).

Ayon sa Seven Summit Treks, bahagi ang dalawa ng Philippine 14 Peaks Expedition Team at sinamahan ng dalawang batikang Sherpa. Ang kanilang pag-akyat ay isinagawa sa kasagsagan ng mainit na climbing season sa Nepal, kung kailan mas kalmado ang panahon at mas mataas ang tsansa ng summit success.
Bago sila, una nang umabot sa tuktok ng naturang bundok ang kapwa nila Pilipino na si Ric Rabe nitong Huwebes, May 15. Siya ang unang Pilipinong nakaakyat sa Mt. Everest matapos ang halos dalawang dekada, na maituturing bilang isang malaking comeback para sa Pilipinas sa larangan ng high-altitude climbing.

Ngunit kasabay ng tagumpay ay isang trahedya. Binawian ng buhay ang 45-anyos na climber na si Philipp Santiago. Ayon sa Nepal tourism department, inabot ng labis na pagod si Santiago sa Camp 4 nitong Miyerkules ng gabi, May 14 habang naghahanda para sa summit push.

Matatagpuan ang Mt. Everest sa Himalayas sa pagitan ng bansang Nepal at Tibet na isang autonomous region ng China. Ito ay may taas na halos 8,850 meters, ayon sa National Geographic Society. #
