27 Chinese nationals, naaresto ng mga otoridad sa tinaguriang crypto scam hub sa Clark
Nilansag ng kapulisan ang diumano’y large-scale crypto scam operation at illegal POGO hub sa Clark Freeport Zone nitong Martes, August 5.
Unang sinalakay ng pinagsamang operatiba ng Regional Intelligence Division, Regional Special Operations Group 3, Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration, at ng Intelligence Service ng The Armed Forces of the Philippines ang Asian Greenville Resort sa Jose Abad Santos Avenue sa loob ng Clark.

Nasakote rito ang 24 Chinese nationals na naaktuhang nagpapalakad ng cryptocurrency investment scam hub. Walong Pilipina rin ang nadiskubre na nasa lugar.
Sinundan ito ng follow-up operation sa Unit 31, Clark Hills Village D, Sacobia Street na nagresulta sa pagkakahuli ng tatlo pang Chinese nationals na sangkot sa phishing at ibang scam.
Nasamsam din ang computer workstations at iba pang electronic devices na dadaan sa forensic examination.

Ang operasyon ay batay sa Mission Order No. 2025-195 na may petsang July 25, 2025 at Mission Order No. 2025-219 na inilabas noong August 4, 2025 ng Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration.
Ayon kay Police Regional office 3 o PRO 3 Director PBGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., patunay ang operasyon sa pinalakas na kampanya laban sa transnational cybercrimes at illegal POGO activities. Nanindigan ang opisyal na hindi lugar ang Central Luzon para sa scammers at mga manloloko. #
