250,000 food packs at iba pang tulong, handang ipamahagi ng DSWD sa mga apektado ng Kanlaon eruption
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern

Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na handa ang ahensya na magbigay ng agarang tulong sa mga pamilyang apektado ng muling pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros umaga ngayong Martes, April 8.

Ayon kay Gatchalian, mahigit 250,000 family food packs (FFPs) ang nakahanda na sa mga bodega ng DSWD Field Offices sa Western at Central Visayas upang mabilis na maipamahagi sa mga apektadong residente.
Bukod sa pagkain, may isinadya rin na non-food items ang DSWD na nagkakahalaga ng mahigit ₱800-million—kabilang ang kitchen kits, hygiene kits, sleeping kits, at laminated sacks.
Kaugnay nito, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang makakuha ng real-time updates at maiparating agad ang mga kinakailangang pagkain at non-food items sa mga apektadong lugar.
Simula noong December 9, kung kailan unang pumutok ang Bulkang Kanlaon, tuloy-tuloy na ang distribusyon ng family food packs (FFPs) sa Regions 6 at 7, at handa ang ahensya na magdagdag pa ng supply kung kinakailangan.
Hinimok ng Kalihim ang mga residente na sundin ang mga abiso sa paglikas at unahin ang kanilang kaligtasan. #