2 suspek sa pagpatay sa political vlogger na si Mima Alicia, nadakip sa Pampanga
Arestado na ang dalawang pangunahing suspek sa pagpatay sa political vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Kinilala ng mga otoridad ang mga salarin bilang ang umano’y gunman at ang driver ng motorsiklong ginamit sa krimen. Nahuli sila sa Brgy. Dau, Mabalacat City, Pampanga sa isinagawang follow-up operation.
Ayon sa PNP, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa loob ng 24 oras matapos ang insidente sa pamamagitan ng pagsusuri sa CCTV footage at iba pang video na kuha malapit sa pinangyarihan ng pamamaril.
Tumugma rin umano ang kanilang pagkakakilanlan sa ibinigay na paglalarawan ng mga testigo, na naging mahalagang bahagi ng imbestigasyon.
Gayunpaman, nilinaw ng PNP na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon dahil may indikasyong posibleng may iba pang sangkot sa pagpaplano at pagsasagawa ng krimen.
Sinisiyasat din ng mga imbestigador kung may kaugnayan sa politika, personal na alitan, o kombinasyon ng dalawa ang motibo sa pagpatay.
Napatay si Lipata matapos pagbabarilin sa labas ng kanyang bahay sa Caloocan City nitong July 17. Sugatan naman ang kanyang live-in partner sa parehong insidente.
Kilala si Lipata sa kanyang political commentaries sa social media, kung saan hayagan niyang sinuportahan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at binatikos si Vice President Sara Duterte at ilan nitong kaalyado. #
