2 pulis sa Bulacan, patay matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki
Dalawang pulis ng Bocaue Municipal Police Station ang nasawi sa isang engkwentro sa Sitio Tugatog, NIA Road, Brgy. Tambubong, Bocaue, Bulacan tanghali nitong Sabado, March 8.
Batay sa report ng Police Regional Office 3 (PRO 3), nagsasagawa ng buy-bust operation laban sa iligal na armas sina PSSg Dennis Cudiamat at PSSg Gian George Dela Cruz nang bigla silang pagbabarilin ng mga armadong lalaki.

Dead on the spot si Cudiamat, habang naisugod pa sa ospital si Dela Cruz ngunit pumanaw rin bandang alas-3 ng hapon.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga salarin patungong Pandi, Bulacan, dala ang mga baril ng mga pulis. Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang Bulacan Provincial Police Office, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isa sa mga suspek na kinilalang si alyas “Dado”, 38-anyos at residente ng Brgy. Bunsuran, Pandi, Bulacan.
Patuloy namang tinutugis ang kanyang kasamahan na si alyas “Athan” na nakipagbarilan umano sa mga pulis gamit ang mga baril ng mga nasawing operatiba bago ito tuluyang tumakas.
Na-recover mula sa nahuling suspek ang isang caliber .38 revolver na walang serial number, isang granada, isang motorsiklo, isang ₱1,000 bill na ginamit sa buy-bust at apat na piraso ng boodle money.
Samantala, nadiskubre rin sa Brgy. Bunsuran 2nd, Pandi, Bulacan ang isang Honda Beat motorcycle na pinaniniwalaang ginamit sa pagtakas ni Athan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis gamit ang surveillance footage at intelligence reports upang matunton ang puganteng suspek.
Nahaharap ngayon ang mga salarin sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Omnibus Election Code, R.A. 9516 o Illegal Possession of Explosives, at double murder.
Samantala, mariing kinondena ni PBGen Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO 3, ang marahas na insidente ng pag-atake at tiniyak na makakamit ng mga biktima ang hustisya. #