2 nursing students na nagligtas sa jeepney driver sa Bulacan, binigyan ng full scholarship
Malaking biyaya ang natanggap ng dalawang mag-aaral ng Dr. Yanga’s Colleges, Inc. (DYCI) matapos silang pagkalooban ng full scholarship ng kanilang paaralan.
Ito ay bilang pagkilala sa maagap na pagresponde nina Precious Pescador at Joana Mae Barquilla, parehong freshman nursing students, na nagligtas sa buhay ng isang jeepney driver na inatake ng heat stroke sa Bocaue, Bulacan noong May 28.

Nangyari ang insidente habang papasok sa paaralan si Precious para sa kanilang final examination. Habang nasa biyahe, napansin umano niyang nahihirapang huminga ang tsuper. Agad niya itong nilapitan at humingi ng tulong kay Joana Mae upang mabigyan ng paunang lunas ang driver.
Dahil sa kanilang mabilis na aksyon, ligtas nang nakalabas ng ospital ang tsuper. Sinamahan din ng dalawang estudyante ang pasyente hanggang sa pagamutan upang masubaybayan ang kanyang kalagayan.
Sa kabila ng pangyayari, nakarating pa rin si Precious sa kanyang pagsusulit matapos siyang ihatid ng ambulansyang nagdala sa driver sa ospital.
Ayon sa DYCI, higit pa sa mataas na grado ang ipinakitang dedikasyon ng dalawa. Anila, pinatunayan ng dalawang estudyante na isinasabuhay na nila ang tunay na puso ng isang health professional bago pa man sila makakuha ng lisensya. #
