1st pro boxing fight ni Jimuel Pacquiao, nauwi sa draw
Majority draw ang naging pasya ng mga judge sa professional debut ni Emmanuel “Jimuel” Pacquiao, Jr. sa Pechanga Resort Casino sa California nitong Linggo, November 30.

Sa harap ng kanyang mga magulang na sina Manny at Jinkee Pacquiao, nairaos ng kanilang panganay na anak ang apat na round kontra sa kapwa first timer sa pro boxing scene na si Brendan Lally.
Maagang nagpakita ng agresyon si Lally, gamit ang kanyang height at power upang mapilitan si Pacquiao Jr. na umatras.
Gayunman, nakabawi si Jimuel sa ilang matitinding palitan na nagbigay sa kanya ng mahahalagang puntos sa gitna ng laban.
Isang hurado ang pumabor kay Pacquiao Jr. sa score na 39-37, ngunit dalawang judges ang nagbigay ng 38-38, dahilan para mauwi sa tabla ang kanyang unang pagsabak sa professional ranks.
Bagama’t hindi pumabor sa kanya ang resulta, itinuturing pa ring positibong simula ang performance ni Jimuel, na ipinakitang kaya niyang makipagsabayan sa mas matangkad at agresibong kalaban. #
