18-man pool ng Gilas Pilipinas para sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers, inilabas na
Handa nang sumabak ang Gilas Pilipinas sa bagong laban matapos ilabas ang pinalawak na 18-man pool para sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sa gitna ng lumalakas na kompetisyon sa rehiyon, determinado ang national team na patunayang hindi pa nauupos ang apoy ng Pinoy pride sa international stage.
Sa official announcement ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, nadagdag sa lineup sina Juan Gomez de Liaño at Quentin Millora-Brown, habang muling sasama sina RJ Abarrientos, Ange Kouame, at Troy Rosario.
Mananatili ring buo ang core group ng FIBA Asia Cup 2025 team na sina Chris Newsome, Calvin Oftana, Scottie Thompson, Jamie Malonzo, June Mar Fajardo, Cjay Perez, Dwight Ramos, Japeth Aguilar, Kevin Quiambao, Justin Brownlee, Carl Tamayo, at AJ Edu, na magsisilbing pundasyon ng koponan sa pagsasama ng veteran composure at modern firepower.

Patuloy ding nakalista sa pool si Kai Sotto, kahit kasalukuyang nagpapagaling mula sa ACL injury na natamo noong Enero.
Magsisimula ang kampanya ng Pilipinas sa isang road game kontra Guam sa November 28 — isang laban na magsisilbing unang hakbang sa pagbubuo ng momentum at chemistry ng bagong roster.
Babalik naman sa home court advantage ang Gilas upang harapin muli ang Guam sa Blue Eagle Gymnasium sa Quezon City pagdating ng December 1. #
