18 kaso ng electrocution, naitala ng SFELAPCO; publiko, pinag-iingat
By Noel Celeste, CLTV36 News
Nagpaalala ang San Fernando Electric Light and Power Company (SFELAPCO) sa mga contractor, construction worker, at publiko na mag-ingat sa pagtatrabaho malapit sa mga linya ng kuryente matapos makapagtala ng 18 insidente ng electrocution sa sakop nitong service area mula June 2025 hanggang July 2026.
Ayon sa SFELAPCO, siyam na kaso ang naitala noong 2025 at siyam pa mula January hanggang July 2026. Karamihan sa mga nasangkot ay mga manggagawang gumagamit ng steel pipe, bakal, roof trusses, scaffolding, gutter, at iba pang metal na materyales na aksidenteng sumayad sa live power lines.
Ilan sa mga insidente ay nauwi sa malubhang pinsala o pagkamatay ng manggagawa. Sinabi rin ng kumpanya na ang ilan sa mga aksidente ay dulot ng hindi pagsunod sa itinakdang ligtas na distansya mula sa mga linya ng kuryente at pagsasagawa ng konstruksyon nang walang building permit.

Kabilang sa mga naitalang insidente ang pagkamatay ng isang manggagawa matapos aksidenteng aksidenteng tamaan ang isang primary power line habang nagpapalit ng roof flashing. Mayroon din umanong manggagawang nakuryente habang nag-i-install ng roof trusses. Ang iba naman ay nagtamo ng mga paso at iba pang pinsala matapos dumikit sa live power lines ang mga metal na materyales na kanilang ginagamit.


Binigyang-diin ng SFELAPCO na dapat ituring na may kuryente ang lahat ng linya. Hinikayat din nito ang mga nagtatrabaho malapit sa mga electrical facility na mahigpit na sumunod sa mga electrical safety measure, lalo na ngayong tag-ulan, upang maiwasan ang aksidente at mapangalagaan ang buhay. #
