1,566 housing units, target ipatayo ng NHA-III para sa informal settler families sa Central Luzon
Target na makapaghatid ng National Housing Authority (NHA) Region 3 ng kabuuang 1,566 housing units ngayong 2026. Para ito sa mga informal settler families (ISFs) at mga pamilyang apektado ng infrastructure at disaster-related risks sa Central Luzon.
Base sa progress report ng ahensya, nakahanay ang priority resettlement projects sa national housing road map sa ilalim ng Expanded 4PH Program. Layon nitong pabilisin ang housing delivery sa pamamagitan ng kombinasyon ng vertical at horizontal housing development, lalo na para sa marginalized at low-income sectors.
Sa listahan ng 2026 priority targets, kabilang ang San Ildefonso Heights Resettlement Project sa Bulacan na may 370 units para sa ISFs na saklaw ng Supreme Court Mandamus, habang may 60 units naman sa Guiguinto Resettlement Project para sa mga nakatira sa danger areas.

Para sa mga pamilyang maaapektuhan ng malalaking infrastructure projects, nakatakda rin ang expansion ng Mariveles Heights Resettlement Project sa Bataan na may 32 units, at dalawang major housing sites sa Pampanga — ang San Fernando View Residences Phase 4 sa Mexico na may 432 units, at ang Casa de Angeles sa Angeles City na may pinakamalaking allocation na 672 units.
Samantala, sa status ng kasalukuyang mga proyekto sa Region 3, iniulat ng NHA na may kabuuang 3,060 units ang nasa pipeline, kung saan 2,577 units na ang completed, habang 314 units ang partially completed at ongoing pa rin sa iba’t ibang yugto ng konstruksyon.

Kabilang sa mga natapos na ang St. Ildephonsus Village Phase 1 sa San Ildefonso, Bulacan na may 927 units, St. Augustine Homes sa Tarlac City na may 781 units, at Rising City Village sa CSJDM, Bulacan na may 400 units. Lahat ito ay physically completed na at nakalaan para sa resettlement ng mga pamilyang nasa ilalim ng SC Mandamus at danger zone relocation.
Patuloy naman ang konstruksyon sa ilang major developments tulad ng Angateños Village Project sa Angat, Bulacan, kung saan 50 units pa lamang ang fully completed mula sa target na 155. Ang San Fernando View Residences naman sa Pampanga, na may 667 total units, ay nasa 379 pa lamang ang completed habang 216 ang partially finished.
Ayon sa NHA, bahagi ang mga proyekto ng mas malawak na strategy ng gobyerno upang maiwasan ang displacement, mapanatili ang access ng mga benepisyaryo sa kabuhayan, at makapagbigay ng disaster-resilient communities sa harap ng climate and disaster risks. #
