10 Chinese nationals na sangkot umano sa Porac POGO hub, arestado dahil sa online scam
Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 10 Chinese nationals sa isang operasyon sa Mariveles, Bataan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa online scam activities.
Ayon sa NBI Criminal Intelligence Division, naabutan ang mga dayuhan sa isang bahay sa naturang bayan na may mga computer. Ginagamit umano ang mga ito sa cryptocurrency at love scams. Na-recover sa operasyon ang mahigit ₱600,000 cash, iba’t ibang klase ng alahas, at hinihinalang shabu.
Lumitaw rin sa imbestigasyon na ang mga suspek ay miyembro ng isang splinter group mula sa isang ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga noong June 2024.
Mahaharap ang mga nahuling suspek sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Financial Account and Scamming Act.
Matatandaang nadawit sa mga kasong torture, kidnapping, at sex trafficking ang POGO hub sa Porac, na naging basehan ng isang korte sa Pampanga upang maglabas ng warrant of arrest laban kina dating presidential spokesperson Harry Roque, negosyanteng si Cassandra Ong, at 48 pang katao. #
