0.9% inflation sa Pilipinas, naitala nitong July 2025: PSA
Bumagal sa 0.9% ang inflation rate ng Pilipinas nitong July 2025, ayon sa pinakabagong ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Martes, August 5.
Ito ang pinakamababang inflation mula October 2019, nang umabot ito sa 0.6%. Mas mababa rin ito kumpara sa 1.4% noong June 2025.

Sa isang press briefing, sinabi ni National Statistician Claire Dennis Mapa na pangunahing nag-ambag dito ang mabagal na pagtaas ng singil sa kuryente at presyo ng liquefied petroleum gas o LPG.
Bukod dito, dahil sa pinalawak na rice importation at pagbaba ng rice tariff mula 35% patungong 15% simula sa kalagitnaan ng 2024, bumaba ang rice inflation mula 14.7% noong August 2024 sa 0.8% sa pagsapit ng Disyembre.
Gayunpaman, binanggit ni Mapa ang mga posibleng banta sa presyo gaya ng pagtaas sa presyo baboy dulot ng African Swine Fever, lumalaking demand sa manok bilang alternatibo, at ang pagtaas sa presyo ng isda at gulay dulot ng mga bagyo.
Sa kabila ng mga ito, nananatili namang mababa ang average inflation sa 1.7% mula Enero hanggang Hulyo, mas mababa kaysa sa 2% hanggang 4% na target ng pamahalaan para sa 2025. #
