₱4.5-M halaga ng mga pekeng LPG, nasabat sa Bataan; 5 indibidwal, arestado
Arestado ang limang indibidwal sa isinagawang operasyon kontra ilegal na bentahan at pagre-repack ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Mariveles, Bataan nitong Biyernes, April 24.

Isinagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng pulisya matapos makatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y ipinagbabawal na aktibidad. Sa pagsalakay, nadiskubre ang pagsasagawa ng aktwal na refilling at ‘alteration’ o pag-iiba ng mga LPG cylinder sa nasabing lugar.
Nasamsam sa operasyon ang daan-daang LPG cylinder na may iba’t ibang sukat, isang delivery truck na kargado ng mga binagong tangke, pati na rin ang mga kagamitan at materyales na ginagamit sa resealing.
Tinatayang aabot sa ₱4.5-million ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya, ayon sa pulisya.
Binigyang-diin ng mga otoridad ang matinding panganib ng ganitong uri ng ilegal na gawain, lalo na’t maaari itong magdulot ng sunog o pagsabog na maglalagay sa alanganin sa buhay at ari-arian ng publiko.
Patuloy naman ang paalala ng pulisya sa publiko na maging mapagmatyag at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng LPG upang makaiwas sa kapahamakan. #
