₱4.5-B agri-infra damage, iniwan ng sunod-sunod na bagyo sa Central Luzon; 5 lalawigan, under State of Calamity
Pumalo na sa mahigit ₱4.5 billion ang kabuuang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa Central Luzon na iniwan ng Habagat at mga nagdaang Bagyong Luis, Maymay, Neneng, at Pilandok, ayon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC).
Batay sa inilabas na situational report ng tanggapan ngayong Martes, September 8, umabot na sa ₱2,528,892,718.57 ang danyos sa imprastraktura. Kasama rito ang ₱2.11 billion na damage sa mga local facility sa Bulacan, Pampanga, at Zambales, pati na ang ₱379.6 million na pinsala sa pasilidad ng irigasyon sa Nueva Ecija.
Hindi rin nakaligtas ang mga educational facility sa rehiyon matapos maitala ng Department of Education (DepEd) Region 3 ang 941 classrooms na totally damaged, 757 classrooms na may major damage, at 2,070 classrooms na minor damaged.
Matindi rin ang naging epekto ng masamang panahon sa agriculture sector, kung saan lumobo sa ₱1,976,668,244 ang kabuuang lugi na direktang nagpalugmok sa kabuhayan ng nasa 34,791 magsasaka at mangingisda sa Gitnang Luzon.
Samantala, umakyat na sa 1,345,174 pamilya o katumbas ng 4,312,521 indibidwal ang naapektuhan sa 1,977 barangay sa buong rehiyon. Sa ngayon, nasa 11,556 pamilya o 40,492 indibidwal ang nasa 534 evacuation centers.
Nasa 290 barangay pa rin ang nananatiling nakalubog sa baha. Pinakamarami ang naitala sa Pampanga na 203 barangays, na sinusundan ng Bulacan (65), Tarlac (13), Nueva Ecija (4), Bataan (4), at Zambales (1).
Bukod dito, ilang barangay sa Botolan, San Marcelino, at Sta. Cruz sa Zambales, pati na sa Capas, Tarlac at Dinalupihan, Bataan ang tuluyang na-isolate o hindi ma-access dahil sa nasirang mga tulay at matinding agos ng tubig.
Sa transportation sector, may kabuuang 72 kalsada at 13 tulay ang naiulat na hindi pa rin nadadaanan ng mga sasakyan sa Bataan, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, at Zambales.
Dahil sa malawakang perwisyo, limang lalawigan ang nagdeklara ng State of Calamity, kabilang ang Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Zambales. Gayundin ang dalawang highly-urbanized cities na Angeles City at Olongapo City.
Patuloy naman ang relief operations para sa mga pamilyang apektado ng kalamidad. Kaugnay niyan, umabot na sa ₱1,344,634,509.15 ang halaga ng tulong ang naipamahagi. #
