₱34-M agri and fisheries damage, naitala sa Pampanga bunsod ng mga bagyo, habagat

Umakyat na sa ₱34.24-million ang naitalang pinsala sa mga pananim at pangisdaan sa Pampanga as of Monday, August 10, dahil sa epekto ng mga Bagyong Luis at Maymay at ng Enhanced Southwest Monsoon o Habagat.
Batay ito sa assessment ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na nakapaloob sa report ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Pinakamalaking napinsala ang fisheries sa Sasmuan na umabot sa ₱31.26-million. Nasa ₱2.647-million naman ang nasira sa mga palayan, ₱222,900 sa high-value crops, at ₱110,181 sa corn at cassava.
Aabot din sa 424 magsasaka at mangingisda sa Pampanga ang naapektuhan, kabilang ang 405 rice farmers, 15 high-value crop farmers, dalawang corn at cassava farmers at dalawang fisherfolk.
Naitala naman ang ₱1.667-million na pinagsamang pinsala sa rice at high-value crops sa Bacolor, ₱679,287.82 sa rice sa Guagua, ₱441,657.12 sa Floridablanca, at ₱192,397.27 sa Mabalacat City.
Samantala, umabot na sa ₱135.3-million ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura sa bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Aabot sa 6,010 magsasaka ang apektado, habang nasa 4,516 hectares ng agricultural lands ang napinsala sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Western Visayas.
Tinatayang 4,465 metric tons naman ang production losses. Kabilang sa tinamaan ang palay, mais, high-value crops at livestock, bukod pa sa agricultural infrastructure, machinery at equipment.
Hindi pa naman umano pinal ang kabuuang national damage dahil nagpapatuloy pa ang field assessment at validation ng DA. Posibleng madagdagan pa rin ang halaga habang naaabot ang iba pang apektadong sakahan.
Bilang tugon, inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga regional office ng kagawaran na pabilisin ang pagbibigay ng tulong, partikular sa crop insurance at credit assistance para sa mga magsasakang nagsisimulang makabangon.
Nakapaghanda rin ang DA ng ₱106.5-million na halaga ng agricultural inputs, kabilang ang binhi ng palay, mais at gulay, na ipamamahagi sa mga apektadong magsasaka sa pamamagitan ng Regional Field Offices.
Maaari ring umutang ang mga magsasaka sa Survival and Recovery Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council ng hanggang ₱25,000, walang interes at babayaran sa loob ng tatlong taon.
Makatatanggap naman ng indemnification ang insured farmers sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corp. habang patuloy ang koordinasyon ng DA sa LGUs at iba pang ahensya para sa recovery efforts.
Ayon sa DA, patuloy rin nitong imo-monitor ang presyo ng agricultural commodities at supply habang nagpapatuloy ang assessment at rehabilitation sa mga lugar na tinamaan ng mga weather disturbance. #
