₱30-M campaign donation kay Escudero noong 2022 elections, iimbestigahan ng Comelec
Magpapadala ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) kay Centerways Construction and Development Incorporated President Lawrence Lubiano matapos nitong aminin na nagbigay siya ng ₱30 million na campaign donation para kay Senator Chiz Escudero noong 2022 elections.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, kailangang marinig ang panig ni Lubiano lalo na’t ipinagbabawal sa ilalim ng Omnibus Election Code ang pagtanggap o pagbibigay ng kontribusyon mula sa mga kontratistang may government projects.
Bukod kay Lubiano, padadalhan din ng hiwalay na sulat si Escudero upang magpaliwanag hinggil sa umano’y pagtanggap niya ng naturang donasyon.
Dagdag pa ni Garcia, iniimbestigahan din ng Comelec ang iba pang contractors na nag-ambag sa kandidatura ng pitong national candidates, fifteen political parties, at ilang local politicians. Hindi naman pinangalanan ang mga ito.
Nagsumite na rin ang poll body sa Department of Public Works and Highways o DPWH ng listahan ng limampu’t dalawang kumpanya upang matukoy kung alin sa mga ito ang may kontrata sa gobyerno noong panahon ng halalan. #
