₱3.39-B bonus para sa mga pulis, aprubado na ng Department of Budget and Management

May basbas na mula sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagre-release ng ₱3.39 billion para sa 2023 Performance Based Bonus (PBB) ng mahigit 225,000 na kwalipikadong opisyal at kawani ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa DBM, tatanggap ang bawat personnel ng bonus na katumbas ng 45.5% ng kanilang buwanang sahod as of December 31, 2023.
Qualified dito ang mga pulis na nakakuha ng “very satisfactory” rating mula sa performance management system na aprubado ng Civil Service Commission (CSC) o ng Career Executive Service Board.
Magmumula ang pondo para rito sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund sa ilalim ng Republic Act No. 12116 o ang 2025 General Appropriation Act.
Ibinase ang distribusyon sa Final Eligibility Assessment Report ng Administrative Order No. 25 Inter-Agency Task Force noong September 16, 2024, na nagkukumpirmang pasado ang PNP sa mga pamantayan para sa PBB.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, maliit na bagay lamang ito kumpara sa araw-araw na sakripisyo ng kapulisan para sa kaligtasan ng publiko.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang insentibo para maibsan ang gastusin ng mga pamilya ng pulis, lalo na sa matrikula, pang-araw-araw na pangangailangan, at iba pang bayarin sa kanilang tahanan.
Samantala, bagama’t wala pang eksaktong petsa ang distribusyon, tiniyak ng DBM na aprubado na ang pondo para sa 2023 PBB ng PNP. #
