₱28.7-M halaga ng misdeclared sugar products, nasabat sa Port of Subic
By Lucia Madamba, CLTV36 News intern
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang 14 na 20-foot container vans ng sugar products sa Port of Subic noong April 10, 2025 dahil umano sa misdeclaration ng produkto at paglabag sa mga legal na alituntunin ng customs.

Ang mga kargamento na idineklara bilang “Sweet Mixed Powder” ay nagmula sa Dong Nai Province, Vietnam at tinatayang nagkakahalaga ng ₱28,728,000.
Ayon sa imbestigasyon ng BOC katuwang ang Sugar Regulatory Administration (SRA), lumilitaw na ang produkto ay may sucrose content na mahigit 65% at maikakategorya bilang “refined sugar”. Salungat ito sa nauna nitong deklarasyon na “sweet mixed powder.”

Bunsod nito, napag-alamang ang mga nasiyasat na produkto ay lumalabag sa SRA Sugar Order No. 7, S. 2003–2004; SRA at BOC Joint Memorandum Order No. 04-2002; at Sections 1400 at 1113 (f)(k) 1, 4, at 5 of Republic Act No. 10863, o ang Customs Modernization at Tariff Act, at Sec. 7 (a) ng Anti-Agricultural Sabotage Act.
Ayon kay Bureau of Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ang operasyon ay sumusuporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tiyakin ang seguridad sa pagkain at sugpuin ang agricultural smuggling. #