₱20/kilong bigas, ilulunsad na sa Kadiwa Centers sa May 2
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) ang paglulunsad ng ₱20 Rice Project sa ilalim ng KADIWA ng Pangulo program na magsisimula sa May 2, 2025. Ang hakbang ay bahagi ng mga pagsisikap na tugunan ang isyu sa food security at pagtaas ng presyo ng bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ibebenta ang de-kalidad na bigas sa halagang ₱20 kada kilo sa mga KADIWA centers at piling LGU. Ang rice subsidy ay eksklusibo para sa mga mahihirap, senior citizen, solo parent, at PWDs, na maaaring bumili ng hanggang 30 kilo kada buwan.
Ang bigas ay bibilhin ng Food Terminal Inc. mula sa National Food Authority (NFA). Para sa pilot implementation, ang mga LGU na magiging bahagi ng proekto ay maaaring magbenta sa lahat ng kabahayan, anuman ang kanilang vulnerability status.
Kaugnay nito, nakakuha na ng clearance ang DA mula sa Commission on Elections (COMELEC) para sa pagpapatupad ng proyekto kahit election period. Inaasahan namang luluwag ang espasyo sa mga bodega ng NFA at mapapalakas ang pagbili ng ani mula sa mga lokal na magsasaka.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, kasalukuyang nasa 7.56 milyong sako ng bigas ang nasa buffer stock — pinakamataas sa loob ng limang taon at sapat para sa 10 araw na pambansang konsumo.
Bumaba na rin ang presyo ng bigas sa world market mula sa higit $700 patungong $300 per metric ton, dahilan para itulak na ang inisyatibong matagal nang pinag-aaralan mula pa noong Hunyo ng nakaraang taon.
Binanggit din ni Tiu Laurel na layunin ng programang “Bente Bigas Mo” na maibsan ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino habang sinisiguro ang patas na kita para sa mga magsasaka. Nakapaloob din sa plano ng ahensya na unti-unting bawasan ang subsidiya sa mga susunod na taon upang mailaan ang pondo sa iba pang proyektong pang-agrikultura.
Samantala, inatasan na raw ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang DA na palawakin at panatilihin ang programa hanggang 2028, na inaasahang tatagal lamang sana hanggang December 2025. #
