₱15.8-B na halaga ng fake products, nasamsam ng BOC sa Divisoria
Sinalakay ng Bureau of Customs (BOC) ang ilang bodega sa isang commercial complex sa Divisoria, Maynila nitong Biyernes, May 23, matapos matuklasan ang mahigit 1.7 milyong piraso ng pekeng produkto na nagkakahalaga ng ₱15.8-billion.
Kabilang sa mga nasabat ang mga bag, damit, at accessories na gumagamit ng mga tatak na gaya ng Guess, Michael Kors, Coach, Louis Vuitton, at Tory Burch.

Pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service – Intellectual Property Rights Division (CIIS-IPRD) ang isinagawang operasyon, kasama ang legal team ng Guess Philippines. Ayon sa mga kinatawan ng Guess, malaking bahagi ng mga nasamsam na produkto ay iligal na ginaya ang kanilang brand.
Ayon kay Atty. Kristian Nico Acosta, Legal Head ng Guess Group sa Pilipinas, matagal nang nasa watchlist ng Guess at Intellectual Property Office of the Philippines ang sinalakay na target. Napag-alamang nagbebenta ang grupo ng mga pekeng produkto sa parehong physical stores at online platforms.
Binigyang-diin ni Acosta ang panganib ng mga pekeng produkto hindi lamang sa kalusugan ng mamimili kundi pati sa kabuhayan ng mga lehitimong negosyante. Aniya, ang mga ganitong aktibidad ay nagpapaalala ng hindi patas na kompetisyon at sumisira sa integridad ng mga original brand.
Samantala, tiniyak ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio na tuloy-tuloy ang kampanya ng ahensya kontra pekeng produkto. Aniya, prayoridad ng ahensya na protektahan ang karapatan ng mga mamimili, suportahan ang lehitimong negosyo, at panatilihin ang patas na kalakalan sa bansa.
Patuloy rin daw ang koordinasyon ng BOC sa private sector partners, e-commerce platforms, at iba pang ahensya upang sugpuin ang counterfeiting at palakasin ang consumer protection sa buong Pilipinas. #
