₱6.07-M ng ilegal na droga, nasamsam sa magkahiwalay na buy-bust ops sa Angeles; 3 Nigerian national, arestado

Tatlong Nigerian national na umano’y kabilang sa high-value individuals ang naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa Angeles City, Pampanga noong October 16 at 17.
Sa unang operasyon sa Barangay Balibago noong Biyernes, nasamsam ng mga otoridad ang 3,510 ng hinihinalang ecstasy tablets na nagkakahalaga ng ₱5.97 million.
Isang 46-anyos na Nigerian national na umano’y residente ng Mabalacat City ang nahuli.
Kinabukasan, dalawa pang Nigerian national ang nadakip sa isa pang buy-bust operation sa parehong barangay. Na-recover sa kanila ang 60 ng hinihinalang ecstasy tablets, 12 grams ng umano’y dried marijuana, at isang gramo ng high-grade marijuana o kush, na nagkakahalaga ng halos ₱105,000.
Ayon sa Police Regional Office 3 (PRO3), mga residente rin ng Mabalacat City ang dalawang suspek sa ikalawang operasyon.
Sa kabuuan, umabot sa ₱6.07 million ang halaga ng mga hinihinalang ilegal na droga na nakumpiska sa dalawang operasyon.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naaresto.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya kung may koneksyon ba ang tatlong nahuling suspek, partikular sa pinagmumulan at distribusyon ng ecstasy at iba pang ilegal na droga sa lugar. #
