₱48-M halaga ng substandard at fake products, nasabat sa Pampanga
Nasabat ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Pampanga ang tinatayang ₱48-milyong halaga ng substandard at counterfeit products sa magkakahiwalay na operasyon.
Kabilang dito ang nasa ₱21.9 million ng uncertified steel products, kung saan 186,329 piraso ng equal leg angle bars at deformed steel bars na walang Philippine Standards (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) markings ang nakumpiska.

Sa naturang halaga, ₱19.6 million ng uncertified steel products ang nasamsam matapos makatanggap ng ulat mula sa isang retailer, habang karagdagang ₱2.3 million naman ang nakumpiska mula sa hiwalay na industry report.
Napag-alaman din na may ilang produkto na kulang sa tamang labeling gaya ng pangalan at address ng manufacturer, dahilan para kuwestyunin ang kalidad at pinagmulan ng mga ito.
Naglabas na ng notices of violation ang DTI laban sa mga hardware store na nahuling nagbebenta ng naturang produkto at maaari silang maharap sa administrative sanctions.

Bukod sa steel products, nasabat din ng DTI at National Bureau of Investigation-Special Action Unit ang tinatayang ₱1.1-million halaga ng uncertified LED lamps at electric fans.
Samantala, nasa ₱25-million halaga naman ng mga counterfeit goods na walang tamang labeling na nakumpiska sa follow-up operation kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). #
