₱20.7-M ng ketamine mula Amsterdam, nasabat sa Port of Clark
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark ang tinatayang 4.14 kilo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng ₱20.7 million.
Unang idineklarang “compact ceramic fan” ang shipment na galing Amsterdam, Netherlands at nakatakdang ihatid sa Valenzuela City.
Nadiskubre ang kontrabando matapos ma-flag ng X-Ray Inspection Project dahil sa kahina-hinalang imahe. Sa isinagawang physical inspection, pitong transparent plastic bag na naglalaman ng puting crystalline substance ang nakita.
Nagpositibo sa paunang pagsusuri gamit ang spectrometer ang substance sa indikasyong “Special K,” na tumutukoy sa posibleng presensya ng ketamine.
Isinailalim na sa laboratory analysis at confirmatory testing ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga sample.
Ang ketamine ay isang uri ng dangerous drugs na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. #

