₱160-K fiesta funds para sa ‘ghost priests’ sa Hagonoy, ibinunyag ng kura paroko; alkalde, pumalag
BULACAN — Nahaharap ngayon sa mainit na isyu ng umano’y katiwalian ang Pamahalaang Bayan ng Hagonoy matapos ibunyag ng kura paroko ang paglalabas ng mahigit ₱160,000 para sa “ghost priests” o mga paring hindi naman nagpakita sa nagdaang kapistahan ng bayan.
Ayon kay Rev. Fr. Jose Rodel Ponce, parish rector ng Hagonoy, may mga dokumentong nakarating sa parokya na nagpapakita na ang nasabing pondo ay inilaan bilang honorarium para sa mga paring nagsilbing concelebrants sa mga misa ng pista.

Gayunpaman, mariing iginiit ni Fr. Ponce na walang natanggap na pondo ang parokya at marami sa mga nakalistang pari ay hindi naman aktwal na sumipot sa selebrasyon.
Samantala, dinepensahan naman ni Municipal Mayor Ma. Rosario “Ate Charo” Sy-Alvarado ang kanyang pamunuan at linisin ang pangalan ng kasalukuyang lokal na pamahalaan ukol sa isyu.
Ayon sa alkalde, walang kahit isang singko mula sa kaban ng bayan ang ginastos para sa nagdaang pista noong April 26, 2026, dahil ito ay itinaguyod lamang sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang pribadong sektor.
Nilinaw rin ni Mayor Sy-Salvador na nang panoorin niya ang viral video ng sermon ni Fr. Ponce, malinaw na may ibang partikular na taon na binanggit ang pari na umano’y tumutukoy sa expenditures ng nakaraang administrasyon.
Pinaalalahanan naman ng alkalde ang publiko laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon sa social media. Aniya, hindi basehan ng katotohanan ang dami ng views at shares upang ito ay paniwalaan kaagad.
Bukas naman ang Office of the Municipal Mayor para sa sinumang nais maglatag ng tanong o humingi ng linaw, basta’t dadaanin ito sa maayos at may respetong proseso.
Sa ngayon, nananatiling unproven o wala pang opisyal na patunay at imbestigasyon mula sa mga otoridad kung saan nagmula ang sinasabing dokumento ng pondo.
Sa kabila nito, patuloy naman ang panawagan ni Fr. Ponce sa mga mananampalataya na manatiling mapagmatyag at ipaglaban ang pananagutan sa paggamit ng public funds. Giit ng kura, hindi kailanman dapat gamitin ang Simbahan para sa personal o politikal na interes ng sinuman. #
