₱1.68-M smuggled na sigarilyo, nasabat sa 58-anyos na babae sa Bataan
Arestado ang isang 58-anyos na babae matapos masabat ng pulisya ang tinatayang ₱1.68 milyong halaga ng umano’y smuggled cigarettes sa buy-bust operation sa Sitio Araro, Brgy. San Vicente, Orion, Bataan nitong Sabado, March 21.

Ayon sa Bataan Police Provincial Office, nasa 27 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo ang kanilang nakumpiska sa operasyon. Kabilang dito ang pitong master case ng RGD cigarettes at 20 master case ng Modern cigarettes na hinihinalang ipinuslit sa bansa nang hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Nanguna sa operasyon ang mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit, katuwang ang Orion Municipal Police Station at Bureau of Customs (BOC).
Nasa kustodiya na ng Orion MPS ang suspek at mga ebidensya habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 8424 o ang Tax Reform Act of 1997.
Nagbabala naman ang pamunuan ng Bataan PNP na magpapatuloy ang kanilang pinaigting na operasyon kontra smuggling sa lalawigan. #
