₱1.24-M ng ilegal na droga, nasabat sa isang Korean national sa Mabalacat City; suspek, arestado
Nasamsam ng mga otoridad ang mahigit ₱1.24 million ng umano’y ilegal na droga mula sa isang Korean national sa ikinasang buy-bust operation sa Mabalacat City, Pampanga ngayong Miyerkules, November 18.

Arestado ang suspek na kinilala sa alyas na “Kyoung,” 29-anyos, na kabilang umano sa mga itinuturing na high-value individuals pulisya. Naaresto siya sa Barangay Macapagal bandang 10:50 AM.
Nakuha mula sa kanya ang 180 piraso ng ecstasy tablets na nagkakahalaga ng ₱306,000; 159 pods ng umano’y liquid ketamine na aabot sa ₱636,000; at nasa 100 grams ng ketamine powder na may estimated value na ₱300,000.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 3, unang napagkasunduan na sa Brgy. Anunas, Angeles City ang umano’y transaksyon, ngunit inilipat daw ni “Kyoung” ang tagpuan sa Mabalacat City. Dito na isinagawa ng mga operatiba ang buy-bust operation na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya. #
