Young Pinoy boxers, bigo sa kanilang gold bid sa 3rd Asian Youth Games

Nabitin ang pangarap ng Pilipinas na makagold sa boxing matapos matalo ang huling Pinoy na umarangkada sa semifinals ng 3rd Asian Youth Games na ginaganap sa Manama, Bahrain.
Nalasap ni flagbearer ng Pilipinas sa naturang torneo na si Leo Mhar Lobrido ang pagkatalo kontra sa pambato ng Uzbekistan sa boys’ 46-kilogram division.
Bagama’t maganda ang naging panimula ni Lobrido sa loob ng boxing ring, naputol naman ang kanyang momentum nang pumanig ang mga hurado sa kalaban sa split decision sa unang round.
Sa ikalawang bahagi ng laban, ilang beses sinapol si Lobrido ng malilinis na tira mula sa distansya ng Uzbek boxer. Dahil dito, tuluyan nang nabaon ang tsansa ni Lobrido na umusad sa final round.
Gayunman, naiuwi naman niya ang bronze medal para sa Pilipinas.

Bukod kay Lobrido, hindi na umusad ang kampanya ni James Justin Zampatti, na natalo via referee stoppage sa boys’ 75-kg quarterfinals, at ni Shairylle Porres na bigo rin sa girls’ 46-kg quarterfinals.
Samantala, hindi na rin umabante sa next round sina Jefferson Amaya sa 50-kg, John Michael Estorba sa 54-kg, at Ermalle Caballero sa 50-kg matapos matalo sa preliminary stage.
Bagama’t kinapos sa ginto, umaasa ngayon ang Philippine youth boxing team na magsisilbing daan ang karanasang ito patungo sa mas malalaking panalo sa iba pang international competition.
As of October 30, 2025, nasa 11th spot sa medal tally ng 3rd Asian Youth Games ang Pilipinas na may 7 gold, 7 silver, at 10 bronze. #
