World junior surfers, napahanga sa mga alon sa La Union
Napahanga ang mga pinakamahusay na junior surfers sa buong mundo sa kalidad ng mga alon sa Urbiztondo Beach, La Union sa gitna ng nagpapatuloy na World Surf League (WSL) Junior Championships sa bayan ng San Juan.
Tinatayang 48 young surfers mula sa iba’t ibang bansa ang nagtitipon sa The Point, kabilang ang mga nangungunang atleta mula sa pitong rehiyon ng WSL at mga wildcard na kilala sa Challenger at Qualifying Series.
Ayon sa mga kalahok, perpekto ang kondisyon ng dagat para ipamalas ang kani-kanilang kakayahan.
Ibinahagi naman ng ilang international surfers na hindi lamang ang alon kundi pati ang mainit na pagtanggap ng mga lokal ang nagbigay ng kakaibang karanasan sa kanila.
Masaya ring ibinahagi ng ilang beteranong junior surfers ang kanilang pagbabalik sa La Union, na anila’y isa nang pamilyar at paboritong destinasyon sa international surfing calendar.
Samantala, ipinagmamalaki naman ng Filipino wildcard surfers ang pagkakataong katawanin ang bansa sa world stage. Layunin umano nilang magbigay-inspirasyon sa mas maraming kabataang Pilipino na pasukin ang surfing.
Mahalaga ang naturang kompetisyon sa mga kalahok dahil makakakuha ng pwesto sa 2026 Challenger Series ang mga magwawagi, na magsisilbing hakbang patungo sa 2027 Championship Tour ng WSL. #
