West Philippine Sea, bahagi na ng Araling Panlipunan curriculum simula S.Y. 2026

Simula sa susunod na taon, isasama na sa curriculum ng mga estudyante sa elementary at junior high school ang pag-aaral tungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Layunin nitong palakasin ang kamalayan ng kabataan at labanan ang maling impormasyon ng China kaugnay ng territorial dispute sa South China Sea.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, spokesperson for West Philippine Sea ng Philippine Coast Guard, katuwang sa inisyatiba ang National Task Force for the WPS at Department of Education (DepEd).
Nakapaloob sa planong ito ang pagtuturo ng WPS sa Grades 4, 6 at 10. Aniya, mahalagang matutuhan ito ng kabataan upang maunawaan ang kahalagahan ng karagatang sakop ng bansa para sa susunod na henerasyon.
Bilang official reference ng DepEd, gagamitin sa mga paaralan ang komiks na pinamagatang “The Stories of Teacher Jun” na ginawa ng National Task Force for the WPS. Tampok dito ang simpleng paliwanag tungkol sa alitan sa naturang teritoryo at ang paninindigan ng Pilipinas.
Ang WPS ay saklaw ang Luzon Sea, Kalayaan Island Group, at Bajo de Masinloc. Ilan sa mga bahaging ito ay okupado pa rin ng China, na patuloy na kinokontra ng Pilipinas sa pamamagitan ng diplomasya at pagpapalakas ng kaalaman ng mga mamamayan. #
