Wellness break para sa mga guro at estudyante, ipatutupad ng DepEd
Magkakaroon ng pagkakataong makapagpahinga ang mga guro at mag-aaral sa buong bansa matapos ideklara ng Department of Education (DepEd) ang Midyear Break mula October 27 hanggang 30, 2025 bilang Wellness Break.
Batay sa memorandum na inilabas ng DepEd Central Office, bahagi ang hakbang ng five-reform agenda ng kagawaran upang suportahan ang kabuuang kalagayan ng mga nasa sektor ng edukasyon.
Sa panahon ng wellness break, walang regular na klase o opisyal na in-service training (INSET) ang isasagawa.
Gayunman, pinahihintulutan pa rin ng DepEd ang mga paaralan at division office na ituloy ang professional development activities sa ibang petsa bago matapos ang School Year 2025–2026.
Para sa mga naka-schedule nang training o activities na tatamaan ng break, maaari pa rin itong isagawa nang boluntaryo, lalo na kung hindi na maipagpapaliban ang na-procure na venue o pagkain.
Nilinaw rin ng DepEd na ang mga gurong kusang dadalo ay hindi na kinakailangang lumahok pa sa kaparehong aktibidad ngayong school year.
Samantala, magbabalik naman ang normal na operasyon ng mga klase sa November 3, matapos ang paggunita ng Undas. #
