Watershed sa Camp O’Donnell, pinangangambahang maapektuhan ng planong WTE project ng BCDA
CAPAS, TARLAC — Malinaw ang sibol ng tubig sa Buhay Falls at ang watershed na dumadaloy sa Kabat River—mga likas na yaman na pinangangambahang makompromiso umano sa planong waste-to-energy (WTE) project ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa Sitio Binyayan, Barangay Camp O’Donnell.

Sa panayam ng CLTV36 News, ipinakita ni Wendell Mercado, kapitan ng Barangay Camp O’Donnell, ang ilang larawan ng watershed at ang kasalukuyang lagay ng lugar matapos umano itong mapasok ng heavy equipment na nagsasagawa ng earthworks.

Ayon kay Mercado, may ilang produktibong lupang sakahan ng mga magsasaka sa lugar na naararo na ng mga makinarya bilang bahagi ng paghahanda sa development ng proyekto.
Nag-aalala ang ilang residente na kapag natuloy ang WTE facility, maaari itong makaapekto hindi lamang sa watershed kundi pati sa natural irrigation system na ginagamit ng mga magsasaka sa paligid ng komunidad.
Lumakas pa ang isyu matapos harangin ng Pamahalaang Bayan ng Capas ang pagpasok ng naturang proyekto ng BCDA.
Ayon kay Capas Mayor Roseller Rodriguez, hindi papayagan ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng WTE facility sa Sitio Binyayan upang maprotektahan ang mga residente laban sa posibleng epekto nito sa kalikasan at kalusugan.
Sinabi naman ni Gener Tanhueco, pinuno ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Capas, na malapit sa mataong komunidad ang iminungkahing lokasyon ng proyekto. Suhestiyon niya na gamitin na lamang ng BCDA ang dating landfill site sa Sitio Kalangitan.
Dagdag pa ni Tanhueco, hindi umano nakonsulta ang pamahalaang lokal ng Capas kaugnay ng planong proyekto sa Barangay Camp O’Donnell. #
