Watchdog groups, nanawagan ng mas bukas at transparent na budget process

Nitong August 13, 2025, pormal nang ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso ang panukalang National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2026 na nagkakahalaga ng mahigit ₱6.7 trillion — ang pinakamataas na proposed budget sa kasaysayan ng Pilipinas.
Layon nitong tugunan at patatagin ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mas malalaking pondo para sa edukasyon at imprastruktura.
Pinakamalaking bahagi ng pondo ay inilaan sa Department of Education (DepEd) na may ₱928.5 billion, habang pumapangalawa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na may ₱881.3 billion kahit pa nababalot ito ng kontrobersiya kaugnay ng mga flood control projects.
Kasama sa isinagawang ceremonial turnover ang mga watchdog groups na People’s Budget Coalition (PBC) at Social Watch Philippines na kapwa nanawagan ng mas makatarungan, inklusibo, at participatory na budget process.
Sa isinagawang Open Budget Analysis noong Agosto 22, binigyang-diin ng PBC na patuloy na lumiit ang “allocable portion” ng pambansang budget — o ang bahagi ng pondo na direktang nakalaan sa pangunahing serbisyo gaya ng kalusugan at edukasyon.
Ayon kay Ken Abante, ito ang unang pagkakataon sa loob ng mahigit isang dekada na bumaba sa mas mababa sa 40% ang naturang bahagi ng budget, bagay na tinawag niyang “nakaaalarma.”
Ipinunto rin ng koalisyon ang ilang fiscal risks na posibleng makapinsala sa maayos na budget management, kabilang ang late insertion ng Kongreso, lumolobong pension obligations, pagpasa ng mga batas na kulang ang pondo, at ang mahina pa ring human capital investment ng bansa.
Dagdag pa rito, binanggit ni Eunice Tanilon ng PBC na kalahati lamang ng globally recommended level ang inilalaan ng gobyerno para sa edukasyon, kalusugan, at social protection.
Samantala, binigyang-diin naman ni AJ Montesa na mas malaki ang napupuntang pondo sa mga patronage-based programs tulad ng TUPAD at AKAP, kumpara sa rules-based programs gaya ng PhilHealth at 4Ps.
Dahil dito, hinimok ng grupo ang pamahalaan na magkaroon ng open ayuda beneficiary lists upang matiyak ang transparency at maiwasan ang pamumulitika sa ayuda.
Sa huli, nanawagan ang People’s Budget Coalition at iba pang civil society groups sa Kongreso na magpatupad ng isang tunay na #OpenBudget na nakabatay sa transparency, participation, at accountability.
Kabilang sa kanilang panukala ang pagbubukas ng budget hearings, technical budget discussions, at bicameral conference committees sa mas malawak na partisipasyon ng mga organisasyon at mamamayan. #
