Wastong paggalang sa Philippine flag, tampok sa isang training-workshop sa Bulacan
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Matagumpay na naisagawa ang “Tapat sa Watawat: Training-Workshop on Flag and Heraldic Code of the Philippines (RA 8491)” sa Barasoain Church, Malolos City, Bulacan nitong Lunes, March 31.

Pinangunahan ito ng Arts Culture Tourism and Sports Office ng Malolos, sa pamumuno nina Jose Roly G. Marcelino at Jose Ruel F. Paguiligan. Layon nitong palawakin ang kaalaman ng mga opisyal ng barangay at mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd) tungkol sa tamang paggamit at pagpapahalaga sa ating pambansang sagisag.
Bahagi ng talakayan ang kasaysayan ng watawat, mula sa paglikha nito sa Hong Kong hanggang sa unang pagwagayway nito noong May 28, 1898.

Binigyang-pansin din dito ang mga maling gawi sa paggamit ng watawat, kabilang ang mga naitalang kaso ng maling paglalagay nito sa mga pampublikong lugar, tulad ng isang paaralan sa Malolos na naobserbahang nakabaligtad ang watawat.
Itinampok din sa workshop ang makasaysayang papel ng Barasoain Church, ang lugar ng Unang Kongreso ng Malolos at pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.
Patuloy namang magsasagawa ng ganitong mga pagsasanay ang pamahalaang lungsod upang mas mapalaganap ang diwa ng nasyonalismo at pagmamalasakit sa ating pambansang watawat. #