Wanted poster ni Harry Roque, ipinamahagi ng Akbayan
“Sumuko ka na, POGO lawyer!” — ito ang panawagan ng Akbayan Party habang nagdidikit ng mga wanted poster ni Harry Roque na abogado umano ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Hangad raw nila na sumuko na ang dating presidential spokesperson at harapin ang House Quad Committee matapos ang arrest order laban sa kanya dahil sa hindi niya pagtalima sa subpoena na inisyu ng komite.
“Payo namin kay Roque na lumabas na mula sa kanyang pinagtataguan at harapin ang House Committee. Hindi lamang ang House of Representatives ang tumutugis sa kanya kundi pati na rin ang mga mamamayan,” ayon kay Akbayan Youth Secretary General Khylla Meneses.
Nanawagan rin ang grupo sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad sa pagtunton kay Roque gamit ang mga nakapaskil na wanted poster.
“We are calling on our citizens to join efforts to track down Harry Roque. Kung patuloy niyang susuwayin ang kanyang tungkuling sumunod sa subpoena ng House Quad Committee, gagawin namin ang tungkulin namin bilang mamamayan na tumulong sa pagtugis sa POGO lawyer,” giit ni Meneses.
“His role and ties with the POGO industry are too obvious and blatant. Hindi na niya madadaan sa pagpapalusot at pagsisinungaling na dati na niyang ginawa para kay Duterte,” dagdag pa nito.
Nitong nakaraang linggo, binatikos si Roque ng bagong miyembro ng Akbayan na si Atty. Chel Diokno sa kanyang pag-amin na siya ay isang fugitive of the Congress, but not of the law.
Pinayuhan niya ang dating tagapagsalita ni Duterte na harapin ang mga seryosong alegasyon tungkol sa kanyang propesyonal at pinansyal na relasyon sa mga POGO.
Kasalukuyang nahaharap si Roque sa arrest order dahil sa hindi pagsumite ng mga dokumento, kabilang ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, at iba pang mga kinakailangan.
Kasama rin dito ang financial documents ng kanyang family corporation na Biancham, ang subsidiary nito na PH2, at ang deed of sale ng 1.8 ektaryang ari-arian nito sa Parañaque City.
Ang Quad Committee ay inatasang mag-imbestiga sa mga koneksyon ng POGO sa extrajudicial killings sa ilalim ng Duterte administration.