Walang pulitika sa ₱20/kilo rice program: DA Sec. Laurel
Nilinaw ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na wala umanong halong pulitika ang ₱20 kada kilong bigas na programa ng pamahalaan na nakatakdang ilunsad sa Visayas at Metro Manila, batay sa ulat Philippine News Agency.
Sa isang press conference sa tanggapan ng DA nitong Martes, April 29, sinabi ni Tiu Laurel na hindi siya politiko at wala siyang interes sa pulitika. Giit niya, dapat suportahan daw ang maayos na pagpapatupad ng nasabing programa dahil makikinabang dito ang lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang paniniwala o kinabibilangang kampo.
Ayon pa sa Kalihim, tinatayang nasa apat na milyong indibidwal o 800,000 families ang inaasahang makikinabang mula sa pilot implementation ng programa sa Visayas.
Paliwanag niya, ang mga ibebentang bigas ay mula sa pinaghalong “soon-to-age” at aging stocks ng National Food Authority (NFA). Kapag hindi it nabenta agad, posibleng bumaba ang presyo nito sa ₱3 kada kilo at karaniwang nagiging pagkain na lamang ng mga hayop.
Umapela rin si Tiu Laurel sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon at paninira sa programa. Aniya, huwag sanang hadlangan ang magandang layunin ng proyektong makatulong sa mamamayang Pilipino.
Dagdag pa ng Kalihim, kasalukuyan nang pinaplano ng ahensya ang mas sistematikong implementasyon ng programa. Kabilang dito ang pagbuo ng software system at ang pamamahagi ng identification cards sa mga benepisyaryo upang masubaybayan ang distribusyon ng bigas.
Matatandaan nitong April 23, nagkomento si Vice President Sara Duterte sa panukalang bentahan ng ₱20 per kilo ng bigas. Aniya, “paasa” at “binubudol” lamang umano ng kasalukuyang administrasyon ang mga tao na maisasakatuparan ito. #
