‘Wag taasan nang labis ang presyo ng isda ngayong Semana Santa: DA
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Mariing paalala ng Department of Agriculture (DA) sa mga nagtitinda ng isda na huwag samantalahin ang mataas na demand ngayong Semana Santa sa pamamagitan ng labis o hindi makatarungang pagtaas ng presyo.

Ayon kay DA deputy spokesperson Assistant Secretary Joycel Panlilio, inaasahan na ang pagtaas ng konsumo ng isda tuwing Semana Santa, lalo na tuwing Biyernes Santo, dahil maraming Katoliko ang umiiwas sa karne.
“Huwag po sana nating gawing dahilan ang Holy Week at pagtaas ng demand sa ating mga isda ngayong Semana Santa para po ang ating mga kababayan na mag-e-enjoy sa fish ay hindi po mahirapan o iyong kanila pong pagbili ay sa tamang presyo lang”, ani Panlilio.

Dagdag pa niya, hindi raw dapat lumampas sa 15% ang taas-presyo ng isda ngayong linggo.
Samantala, tiniyak ng DA na may sapat na supply ng isda sa merkado para tugunan ang pangangailangan ng publiko ngayong panahon ng Kuwaresma. #