Voter registration, wala nang extension pagkatapos ng Sept. 30: COMELEC
Wala na raw extension sa deadline ng voter registration para sa local at overseas voters na magtatapos sa September 30, 2024.
Ito ang kinumpirma ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia ng Commission on Elections (COMELEC) nitong Martes, September 24.
“Ilang araw na lang, anim na araw na lang ay katapusan na po ng registration period up to September 30 at wala pong intensyon ang COMELEC na mag-extend ng registration period,” paalala ni Garcia.
“Kailangan din po naming matapos kaagad ng September 30 dahil mayroon tayong hearing ng Election Registration Board sa October 13 upang aprubahan o disapprove ang mga nagparehistro mula July 16 hanggang September 30 at therefore kakailanganin namin matapos kaagad yung project of precinct na tinatawag,” dagdag pa ng opisyal.
Kaugnay nito, hinikayat ni Garcia ang publiko na magparehistro at gawin ang iba pang mga transaksyon gaya ng transfer of registration records o magpa-reactivate ng rehistro para makaboto sa darating na 2025 midterm elections.
Narito ang requirements upang maging isang eligible voter sa Pilipinas:
- ang isang indibidwal ay kinakailangang hindi bababa sa 18 taong gulang sa araw ng eleksyon;
- dapat ay Filipino citizen o residente ng bansa nang hindi bababa sa isang taon;
- resident of a specific locality o lugar kung saan balak bumoto nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang eleksyon;
- mga indibidwal na hindi “disqualified by law from voting”; at
- walang double registration sa magkaibang lugar.
Para magparehistro, kinakailangan ng mga aplikante na magtungo sa Office of the Election Officer o sa satellite registration office sa kanilang lugar mula Lunes hanggang Sabado, kabilang ang mga holiday, simula 8 AM hanggang 5 PM.
Magdala lamang ng isang valid identification gaya ng PhilSys National ID, postal ID, o iba pang government-issued IDs.