Vloggers at online influencers, saklaw na rin ng body cam use guidelines ng NPC
Kasabay ng pagdami ng mga gumagamit ng body-worn cameras sa mga pampublikong lugar, nagbabala ang National Privacy Commission (NPC) laban sa panganib ng hindi otorisadong pagkuha at paggamit ng personal data mula sa mga video recording.
Kaugnay nito, naglabas ng bagong panuntunan ang NPC upng tiyakin ang proteksyon ng personal na datos ng mamamayan.
Sa bisa ng NPC Circular 2025-01, na epektibo nitong Martes, June 10, isinaad ng ahensya ang malinaw na hangganan sa pagitan ng seguridad at karapatan ng publiko.


Ayon kay NPC Commissioner John Henry Naga, habang mahalaga ang transparency, hindi ito dapat humantong sa tahasang paglabag sa data privacy ng sinuman.
Tinukoy sa guidelines na ang anumang video recording na nagpapakita ng pagkakakilanlan ng isang tao — sa public o private place man — ay itinuturing nang pagproseso ng personal data.
Dahil dito, hindi lamang law enforcement officers ang may pananagutan, kundi pati na rin ang mga vlogger at content creators.
Mariing itinakda ng circular ang mga obligasyon ng mga gumagamit ng body cam: una, dapat may sapat na paliwanag sa mga kinukunan ng video; pangalawa, malinaw na paalala kung saan ito ilalathala o ilalabas; at panghuli, mabilis na pagtugon sa hiling ng featured individuals na nais ipabura o itago ang kanilang identity.
Binigyang-diin din ng NPC na dapat gamitin ng sinuman ang teknolohiya nang responsable at may paggalang sa karapatang pantao.
Ang sinumang lalabag ay maaaring managot sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Data Privacy Act of 2012 at iba pang kaugnay na kautusan mula sa NPC. #
