Viral privilege speech ni Magalang Coun. Niko Gonzales, nagbunyag ng umano’y ‘systemic’ na korapsyon sa reclassification process
Nag-viral sa social media ang madamdaming privilege speech ni Magalang Municipal Councilor Niko Gonzales, na in-upload sa kanyang official page noong November 21, matapos niyang ipaliwanag at depensahan ang kanyang “no” vote sa isang aplikante para sa land development sa bayan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Gonzales na tumanggi siyang bumoto pabor sa aplikasyon dahil umano sa “bahid ng korapsyon” sa proseso ng land reclassification—mula agricultural to residential—na ibinunyag niya mula sa isang reliable source na hindi niya pinangalanan.
Inihalintulad pa ni Gonzales ang naturang isyu sa mga anomalya sa flood control na aniya’y dapat “pandirihan”. Ayon sa kanya, ang proseso ng reclassification ng lupa ay nagiging sistematiko at nagiging kalakaran, taliwas sa dapat na tapat at transparent na pamamahala.
Mas lalong umigting ang usapin matapos niyang direktang ma-implicate ang buong Sangguniang Bayan, kahit hindi niya pinangalanan kung sinu-sino ang partikular na miyembro ng SB na kanyang tinutukoy. Ito ang nagdulot ng mas malawak na diskusyon at haka-haka mula sa publiko.
Nakipag-ugnayan na ang CLTV36 News kay Councilor Gonzales at kay Vice Mayor Eller Pecson na siyang presiding officer ng Sangguniang Bayan noong deliberasyon. Gayunman, parehong opisyal ay nasa abroad pa umano ngayon at nagpaabot na handa silang sagutin ang mga katanungan pagbalik nila sa Pilipinas. #
