Vietnamese national na suspek sa kidnapping at rape noong 2023, arestado sa NAIA
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Vietnamese national na wanted sa Pilipinas dahil sa kasong kidnapping at panggagahasa sa isang Chinese woman noong 2023.

Sa inilabas na pahayag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, naaresto sa NAIA Terminal 3 ang suspek na kinilalang si Nguyen Hu Mai habang ito ay nagtangkang tumakas pabalik sa Saigon.
“Our supervisors were able to establish that the passenger and person appearing in our watchlist are one and the same. He was thus stopped and arrested by our airport personnel,” paliwanag ni Viado.
Ayon sa Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng BI, si Nguyen ay nasa wanted list na noon pang March 10 kasama ng dalawa pang Chinese nationals bilang pangunahing suspek sa naturang mga kaso.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na dinukot ng tatlong suspek ang Chinese na babae sa loob ng condominium nito sa Makati noong May 2, 2023. Pagkatapos ay dinala nila ito sa isang liblib na lugar at doon ilang ulit na pinagsamantalahan.
Kasalukuyang nasa Immigration Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang Vietnamese na suspek. #