Video conferencing app na Skype, isasara na ng Microsoft sa May 2025
By David Peña, CLTV36 News intern
Tuluyan nang isasara ng Microsoft ang Skype, isang telecommunication app para sa phone and video conferencing, sa darating na Mayo.
Sinasabing ang hakbang na ito ay upang ituon ng Microsoft ang pansin sa Microsoft Teams, ang flagship ng naturang software company para sa video conferencing.
Isinama ng Microsoft noon ang Skype sa iba pa nilang produkto, tulad ng Office at ang dating mobile operating system na Windows Phone.
Taong 2011 nang bilhin ng Microsoft ang Skype sa halagang $8.5-billion para palitan ang kanilang Windows Live Messenger noon.
Inilunsad noong 2003 ang Skype na agad sumikat dahil kayang magbigay ng libreng tawag sa buong mundo, isang malaking kalamangan noon kumpara sa tradisyonal na teleponong may bayad sa international calls.
Ngunit humina ang kasikatan dahil sa matinding kumpetisyon mula sa Zoom, Google Meet, FaceTime, at WhatsApp, pati na rin sa malaking pamumuhunan ng Microsoft sa Teams.
Kinumpirma ng Microsoft sa X na simula Mayo, hindi na magagamit ang Skype. Binigyan-diin din nila na maaari pa ring gamitin ang log-in information sa libreng bersyon ng Microsoft Teams.