VACC, umapela kay PBBM na palawakin ang saklaw ng kanyang courtesy resignation
Umapela ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palawakin pa ang kanyang panawagan para sa courtesy resignation.
Anila, hindi lamang dapat sa mga miyembro ng Gabinete ang panawagan kundi pati rin sa mga lider ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) na sangkot sa kontrobersya—gaya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), at Bureau of Customs (BOC).


Ayon kay VACC President Arsenio Evangelista, hindi dapat tumigil ang reporma ng Pangulo sa Gabinete. Aniya, dapat ding magbitiw ang mga lider ng mga ahensyang nagsasayang ng pondo ng bayan at nabibigo sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa taumbayan.
Patunay umano rito ang imbestigasyon sa Senado kamakailan kung saan kinuwestyon ang kredibilidad ng mga nananalo sa lotto at pinagdududahan na minamanipula umano ang resulta ng “insiders”.
Gayundin ang mga kasong katiwalian ng ahensya, maging ang hindi pa nalulutas na pagpaslang kay dating Board Secretary Wesley Barayuga noong 2020, at ang online lottery project ng PCSO na anila’y naglalagay sa mga menor de edad sa panganib ng pagsusugal.
Samantala, binatikos din ng grupo ang Pagcor—na siyang nangangasiwa sa mga gaming operation ng bansa—dahil sa umano’y maluwag nitong pagbabantay sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), na naiugnay na sa mga scam, human trafficking, at korapsyon. #
