Utang ng Pilipinas, pumalo na sa ₱16.31-T
Lumobo na sa ₱16.31-trillion ang utang ng gobyerno ng Pilipinas sa pagtatapos ng Enero 2025. Tumaas ito nang 1.63% o ₱261.47-billion kumpara noong Disyembre 2024.
Ayon sa Bureau of the Treasury nitong Martes, March 4, ang pagtaas ay dulot ng bagong pangungutang ng gobyerno at paghina ng piso kontra dolyar. Mula sa ₱57.85 kada US dollar noong Disyembre, bumagsak sa ₱58.38 ang halaga ng piso nitong Enero.

Sa usapin ng domestic debt o utang na mula sa loob ng bansa, umakyat na sa ₱11.08-trillion o 67.9% ang hiram ng pamahalaan. Tumaas ito nang 1.41% o katumbas ng ₱153.68-billion nitong Enero.
Pangunahing contributor umano rito ang bagong inilabas na government securities o mga pautang na iniaalok sa publiko, ayon sa Treasury.
Samantala, umabot naman na sa kabuuang ₱5.23-trillion o 32.1% ang external debt ng Pilipinas o utang na mula sa labas ng bansa. Lumaki ito nang ₱107.79-billion, sanhi ng karagdagang foreign loans at ang epekto ng pagtaas ng halaga ng dolyar at iba pang foreign currency.
Siniguro naman ng Bureau of the Treasury na nananatiling “manageable” o kayang bayaran ang kasalukuyang utang. Subalit, kailangan umanong patuloy na bantayan ang paglobo nito upang mapanatili ang fiscal sustainability at maiwasan ang mas mabigat na pasanin sa ekonomiya sa hinaharap. #