Upgraded facilities ng Philsports Complex, hatid ang mas matibay na suporta sa mga Pinoy athlete

Kakaibang excitement ang hatid sa mga Pilipinong atleta ng Philsports Complex sa Pasig City sa pagbubukas ng kanilang upgraded facilities. Tampok dito ang modernized National Sports Museum na nagbibigay-pugay sa kasaysayan at tagumpay ng Filipino athletes.
Kasabay nito, pinasinayaan din nitong Miyerkules, November 18, ang National Athletic Center at upgraded Dorm H na may athlete-friendly accommodations para sa training at recovery ng mga atleta.

Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairperson Patrick Gregorio, malaking tulong ang suporta ng kasalukuyang administrasyon sa pagpapalakas ng sports sa bansa, lalo na sa kapakanan ng mga atleta, pamamahala ng pasilidad, at sports tourism.
Dahil sa renovations, na-redesign na rin ang dining hall at sports offices, at dito itatayo ang bagong opisina ng Philippine Olympic Committee (POC).
Kabilang sa mga dumalo sa inagurasyon sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at asawa niyang si First Lady Liza Araneta-Marcos, gayundin si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, PSC commissioners, POC officials, at ilang miyembro ng gabinete.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng sports hindi lang para sa karangalan ng bansa kundi sa pagbubuo ng karakter at pagkakaisa ng kabataan.
Samantala, ani Gregorio, layon ng renovations na gawing world-class training ground at competition venue ang Philsports Complex para sa iba’t ibang local and international competitions.
Nilinaw rin niya na ang hakbang na ito ay pamana sa susunod na henerasyon ng mga atleta, mula grassroots hanggang sa pinakamataas na antas. #
