Universal healthcare, 80% nang natutupad: PBBM
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nasa 80% na ang kabuuang naa-achieve ng bansa sa usapin ng universal healthcare para sa lahat ng Pilipino.
Sinabi ito ni Marcos kasabay ng kanyang pagbisita sa Bataan General Hospital and Medical Center sa Balanga, Bataan nitong Martes, September 2.

Dito, ininspeksyon ng Pangulo ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing o Z-B-B program, kung saan nasa halos 3,000 na pasyente sa nasabing ospital ang nakikinabang sa programang nagtitiyak na wala silang ilalabas na pera oras na sila ay ma-discharge.
Kasabay nito, ibinida rin ni PBBM na 78 government hospitals na sa buong bansa ang nagpapatupad ng Z-B-B.
Dagdag pa ng Pangulo, suportado ng pamahalaan ang mga healthcare worker at patuloy na palalakasin ang healthcare system sa bansa. Binanggit din niya na ang pagpapatatag ng ekonomiya ang susi upang maisakatuparan ang ganap na universal healthcare.
Sa ilalim ng ZBB program, ang lahat ng PhilHealth members na naka-admit sa basic o ward accommodation sa mga DOH hospital ay hindi na magbabayad ng anumang out-of-pocket expenses. #
