Unemployment rate sa Central Luzon, naitala sa 3.9% nitong January 2025
Bumaba sa 4.3% ang naitalang kabuuang unemployment rate ng Pilipinas nitong January 2025, batay sa inilabas na Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, March 6.

Katumbas ito nang 2.16 milyong bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, isang buwan matapos ang pagpasok ng bagong taon.
Bahagya itong bumaba mula sa dating 4.5% noong January 2024, habang mas mataas naman sa naiulat noong October 2024 na 3.9%.
Sa Central Luzon, pumalo na sa 3.9% ang unemployment rate, o katumbas ng 1.97 milyong walang trabaho sa rehiyon. Mas mataas ito sa dating 2.9% noong October 2024.
Naitala naman sa Region 5 (Bicol Region) ang pinakamataas na porsyento ng populasyon na walang trabaho na nasa 6.5% ngayong Enero, habang ang Region 9 (Zamboanga Peninsula) ang may pinakamababang unemployment rate na nasa 2.3%.
Kaugnay nito, tumaas naman ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho nitong January 2025. Nasa 48.49 milyon o 95.7% ang kasalukuyang employment rate ng bansa, mataas ito nang 0.2% sa dating 95.5% noong Enero nang nakaraang taon.
Habang ang underemployment o bilang ng mga part-time job workers ay bumaba sa 13.3% mula sa dating 13.7% noong January 2024.
Pangunahing contributor sa employment rate ng bansa ang Services sector na nakapag-ambag nang 61.1% sa kabuuang bilang. Sinusundan ito ng Agriculture sector na may 21.1% share at Industry sector na may 17.2%.