Unang bird flu vaccine sa Pinas, aprubado na ng FDA
Aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA) ang unang bakuna laban sa bird flu sa Pilipinas.
Ito ang Volvac B.E.S.T. AI plus ND na layong protektahan ang poultry sector laban sa avian influenza at Velogenic Newcastle disease.
Ayon sa Department of Agriculture, ang bakuna ay maaaring ibigay sa mga sisiw mula sa ika-sampung araw at nakapagbibigay ng buong immunity sa loob ng 10 hanggang 14 days.
Tinitiyak nitong maprotektahan ang produksyon ng manok at itlog na umabot sa halagang 362 billion pesos noong 2024, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ipinunto ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na malaking tulong ito upang mapalakas ang food security ng bansa at maprotektahan ang kalusugan ng tao at hayop, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Binigyang-diin ni Tiu Laurel na bahagi ito ng whole-of-government approach para sa mas mataas na produktibidad, mas ligtas na suplay ng pagkain, at mas matatag na kabuhayan para sa mga Pilipino sa livestock sector. #
